Ikot - Морган Райс 2 стр.


"Dito" sabi ng lalaki sabay turo sa pasamano ng bintana.

"Salamat" sabi ni Caitlin. Salamat! inis na inis siya sa sarili niya dahil sa iyon lang ang nakaya niyang sabihin.

"Tama yan Barack!" sigaw ng isang estudyante. "Ibigay mo lang ang upuan mo sa magandang, puting babae na iyan!"

Nagtawanan ang lahat at muling bumalik ang ingay sa klase. Nakita ni Caitlin kung paanong napatungo at napahiya ang lalaki.

"Barack? Yun ba talaga pangalan mo?" tanong niya.

"Hindi. Tinatawag lang nila akong Barack kasi kamukha ko daw siya. Kalahating itim kasi ko, parteng puti at parteng Puerto Rican.

Tiningnan ng mabuti ni Caitlin si Barack at sang-ayon siyang magkahawig nga sila.

"Tingin ko isa itong papuri sa iyo" sabi niya.

"Hindi kong paano nila ito sabihin " sagot niya.

Pinagmasdan siya ni Caitlin habang nakaupo sa may bintana. Masasabi niyang sensitibo ito. Hindi siya bagay sa lugar na iyon.

"Ako nga pala si Caitlin". Inabot niya ang kaniyang kamay habang nakatingin sa mga mata ng lalaki.

"Jonah" sorpresang sagot niya habang inaabot pabalik ang kamay niya. Parang matutunaw ang pakiramdam ni Caitlin. Natagalan ang kapit sa kanya ni Jonah kaya't di niya napigilan ngumiti.

Walang kakaibang nangyari buong umagang iyon. Gutom na si Caitlin pagdating niya sa kantina. Hindi siya makapaniwala sa laki nito. Sobrang ingay pa rin dito dahil sa libong estudyanteng nagsisigawan. Para siyang nasa loob ng gymnasium. Pinag-kaiba nga lang may security guard kahit saan ka tumingin.

Syempre pa hindi na naman niya alam kung saan pupunta. Nakakita siya ng mga trey. Kumuha siya ng isa at pumila sa akala niyang umpisa nito.

"Hoy! Huwag ka ngang paningit!" sigaw ng malaking babaeng estudyante sa likuran niya.

"Pasensya na. Hindi ko kasi alam" sagot ni Caitlin.

"Doon ang hulihan ng pila" paangil na sagot ng isa pang babaeng estudyante sabay turo kung saan ito.

Sobrang haba pala ng pila. Aabutin siya ng dalawampung minuto para makakuha ng pagkain.

Habang papunta siya sa huli ng pila, bigla na lang may lalaking estudyante na tumulak sa isa pang lalaking estudyante. Bumagsak ito sa may paanan niya. Sumugod ang una, tinalunan niya at pinagsusuntok ang nasa lapag. Nagsimulang magsigawan at magkagulo ang lahat.

"Away! Away!" sigaw ng marami. Hindi siya makapaniwalang nangyayari ito sa harapan niya. Hanggang sa lumapit ang apat na security guards at inawat ang dalawa na duguan.

Nang matapos kumuha ng pagkain ni Caitlin, simpleng hinanap niya si Jonah pero wala ito sa kantina. Naghanap siya ng mauupuan pero halos lahat ay may mga nakaupo na. Napansin niya ang magkakahiwalay at iba't ibang grupo doon.

Nagdesisiyon siyang umupo sa mesa sa may bandang likod. Meron lamang isang lalaking estudyanteng Intsik na nakaupo sa may dulo ng mesa. Hindi maayos ang kanyang pananamit at nakasuot siya ng braces. Nakatungo lamang siya at nakatututok ang atensyon sa kanyang kinakain.

Pakiramdam niya mag-isa siya. Tiningnan niya ang kanyang cellphone. May ilang mensahe siya sa Facebook galing sa kanyang mga kaibigan sa dati niyang lugar. Tinatanong nila kung nagustuhan niya ba ang bago niyang lugar. Hindi niya gustong sumagot ng kanilang mga mensahe sa ngayon. Pakiramdam niya ang layo layo nila.

Wala siya masyadong nakain. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at sinubukang baguhin ang nasa isip niya. Inisip niya ang kanyang bagong apartment sa kalye ng 132nd, nasa ika-limang palapag. Luma at madumi ang gusali at walang elevator dito. Lalo siyang nahilo sa pag-iisip na ito. Huminga siya ng malalim at sinubukang mag-isip nang iba pang bagay. Bagay na maganda sa buhay niya.

Meron siyang nakababatang kapatid na lalaki. Sam ang pangalan niya. Labing-apat na taon pa lamang siya ngunit para siyang dalawampung taon sa kanyang ikinikilos. Tumayo siya na parang nakatatandang kapatid sa kanya. Dahil siguro ito sa pag-iwan sa kanila ng kanilang ama at ang masamang pagtrato sa kanila ng kanilang ina. Nakikita niya ang masamang epekto nito sa kanya sa lagi niyang pakikipag-away sa eskwelahan. Sana lang ay hindi ito lumala.

Pero pagdating kay Caitlin, ibang usapan ito. Mahal na mahal siya ni Sam. Lagi siyang maasahan. Kaya naman gagawin ni Caitlin ang lahat para protektahan ang kapatid niya.

"Caitlin?"

Nagulat siya.

Nakatayo sa may tabi niya, hawak ang isang trey sa isang kamay at isang byolin sa kabilang kamay, si Jonah.

"Ayos lang bang umupo sa tabi mo?"

"Hindi - aaay oo!" kinakabahan at namumula niyang sagot.

Nginitian lamang siya ni Jonah. Umupo ito na maayos sa kanyang tabi nang may perpektong postura. Dahan-dahan niyang inilapag ang byolin at pagkain sa mesa. Mayroong iba sa kanya. Hindi siya nababagay dito sa lugar na ito. Para siyang galing sa ibang kapanahunan.

"Kumusta ang unang araw mo?" tanong ni Jonah.

"Hindi ito ang aking inaasahan."

"Naiintindihan ko ang ibig mong sabihin." sabi niya ulit.

"Isa ba iyang byolin?" sabay tingin ni Caitlin sa bagay na nasa ibabaw ng mesa. Hawak ito ni Jonah na para bang may magtatangkang magnakaw nito.

"Isa itong byola. Medyo malaki siya ng kaunti sa byolin pero magkaiba sila ng tunog. Mas malumanay ito."

Hindi pa nakakakita nito si Caitlin. Gusto niya sanang ipakita ito sa kanya ni Jonah ngunit hindi man lang siya gumalaw. Tuloy pa rin ang kapit niya dito na tila ba pinoprotektahan niya ito. Isang bagay na personal sa kanya.

"Palagi ka bang nag-eensayo?"

"Ilang oras araw-araw." sagot niya.

"Ilang oras. Magaling ka siguro."

Nagkibit balikat lang si Jonah.

"Ok lang ako. Mas maraming magaling sa akin. Pero ninanais ko na ito ang makakatulong sa akin paalis ng lugar na ito."

"Matagal ko nang gustong matutong mag-pyano" sabi ni Caitlin.

"Bakit hindi".

Sasabihin sana niyang wala siyang pyano pero nagkibit balikat lamang siya at bumalik tingin sa kaniyang pagkain.

"Hindi mo kailangan ng pansariling pyano para matuto" sagot ni Jonah.

Nagulat si Caitlin na para bang nabasa niya ang kaniyang iniisip.

"Kahit pa madaming hindi maganda sa lugar na ito, nagbibigay dito ng libreng pagtuturo ng pyano. Magpalista ka lang."

Nanlaki ang mga mata ni Caitlin.

"Talaga?"

"Pumunta ka lang sa silid ng musika at hanapin si Ginang Lennox. Sabihin mo lang na kaibigan kita" sabi ni Jonah.

Kaibigan..nagustuhan ni Caitlin ang tunog nito. Napatingin siya sa luntiang niyang mga mata. Gusto niya sanang itanong kung bakit ang bait niya sa kanya, mayroon ba siyang kasintahan, ngunit pinigilan niya ang sarili niya.

Gusto pa niya sanang ipagpatuloy ang usapan kaya't pilit siyang nag-iisip ng pwede pang pag-usapan. Gusto niyang makasigurado na hindi ito ang huli nilang pagkikita. Ngunit nang sa akmang pagbukas ng kanyang bibig para magsalita ay siyang pagtunog ng bell.

Nagka-ingay na ulit lahat sa kantina. Tumayo na din si Jonah at kinuha ang kaniyang byola.

"Huli na ako" sabi niya. Kinuha din niya ang kaniyang trey sabay tingin sa trey ni Caitlin.

"Kunin ko na din trey mo?" Umiling lamang si Caitlin.

"Ah, ok. Una na ako" biglang nahihiyang sabi ni Jonah.

"Ummm, ok " bulong ni Caitlin.

*

Ang unang araw niya sa bago niyang eskwelahan ay natapos din. Lumabas si Caitlin. Hindi na niya alintana ang lamig. Pati ang gulo at ingay ng ibang mga estudyante sa paligid niya ay hindi na rin niya pansin. Mabilis na natapos ang araw na iyon. Wala man lang siyang maalalang pangalan ng kaniyang mga guro.

Magaan ang kaniyang pakiramdam. Nabuhayan siya ng loob. Lagi niyang naiisip si Jonah. Sana lang ay hindi siya naging kakatwa habang sila ay nasa kantina. Wala man lang siyang maayos na naitanong sa kanya. Kung bakit ba naman tungkol sa byola lang ang napag-usapan nila. Hindi man lang niya nalaman kung saan siya nakatira, saan niya planong mag-kolehiyo at kung mayroon ba siyang kasintahan. Pero ang isang katulad niya ay siguradong hindi mawawalan ng espesyal na tao sa buhay.

Sa oras ding iyon ay may dumaan na isang magandang Hispanic na babae. Maganda siya manamit. Napatitig si Caitlin sa kanya at nag-akalang siya ang babaeng iyon.

Lumiko siya sa kalye ng 134th. Biglang hindi niya alam kung saan siya pupunta. Hindi niya maalala kung nasaan ang apartment niya. Napatigil siya at nagulumihanan.

"Hey kaibigan!"

Napatingin siya at kanyang napagtanto na siya ay nasa harap ng isang maduming bodega. Apat na lalaki, na wari ay hindi alintana ang lamig, ang nakatingin sa kanya na para bang siya ang susunod nilang pagkain.

"Miss halika dito!" sigaw ng isa pa.

Kalye ng 132nd. Bigla niyang naalala at dali-dali siyang umalis patungo sa kanyang apartment. Ilang beses siyang lumilingon sakaling sinusundan siya ng mga lalaking iyon. Buti na lang at hindi.

Ramdam na naman niya ang matinding lamig sa kanyang pisngi. Unti-unti niyang napagtatanto ang lugar kung saan siya titira. Pinagmasdan niya ang kanyang paligid na puno ng mga kotseng inabandona, bandalismo at rehas sa bintana. Bigla niyang naramdaman ang pag-iisa at sobrang takot.

Tatlong bloke na lamang ang kailangan niyang lakarin papunta sa apartment pero pakiramdam niya ang tagal na niyang naglalakad. Inaasam asam niya na sana ay mayroon siyang kaibigan sa kaniyang tabi - mas maganda kung si Jonah - at bigla siyang nagtaka kung kakayanin niyang maglakad ng ganoon araw-araw. Naalala na naman niya ang kanyang galit sa kaniyang ina. Kung bakit lagi siyang nililipat lipat nito at sa mga lugar na hindi niya gusto. Kailan ba ito titigil?

Basag na salamin.

Bumilis ang tibok ng puso ni Caitlin. May nakita siyang kaguluhan sa may bandang kaliwa. Nagmadali siyang maglakad at umiwas ng tingin. Ngunit habang papalit siya ay naririnig niya ang kanilang mga sigaw at nakakikilabot na halakhak kaya't hindi niya mapigilang mapatingin sa kanilang ginagawa.

Apat na malalaking kabataang lalaki - baka mga nasa 18 o 19 - ang pinagtutulungan ang isa pang kabataang lalaki. Dalawa sa kanila ay hawak ang kaniyang mga braso, ang pangatlo ay sinuntok siya sa sikmura habang ang pang-apat ay sinuntok siya sa mukha. Ang pinagtutulungang bata ay posibleng 17 ang edad, matangkad, payat, walang kalaban laban at natumba sa lupa. Dalawa sa mga lalaki ay sinipa siya sa mukha.

Kahit natatakot si Caitlin, hindi niya mapigilang mapatitig sa nangyayari. Nagalala siyang baka mapatay nila ang lalaking iyon.

"Hindi!" sigaw ni Caitlin.

May narinig siyang tunog na parang may nabali habang sumipa sila. Tunog nang nabaling kahoy. Hanggang sa nakita niya na winawasak nila ang isang byola. Nakita niya kung paanong ito ay nagkapira-piraso.

Napatakip siya sa kaniyang bibig.

"Jonah?"

Walang ano ano'y biglang tumawid si Caitlin sa kabila ng kalsada. Napansin siya kagad ng apat na kabataan na nag-ngitian sa isa't isa. Nilapitan niya kaagad ang duguang biktima at kanyang nakumpirma na si Jonah nga ito. Wala siyang malay.

Tiningnan niya ang grupo ng mga kalalakihan. Natalo ng galit ang kanyang takot.

"Tama na! Iwan nyo na siya!"

Napatawa ang lalaki sa gitna na may taas na 6'4" at matipuno.

"At kung hindi?" tanong niya.

Bigla na lamang may tumulak sa kaniya na ikinatumba niya. Nalaglag ang kanyang journal at nagliparan ang mga pahina nito sa kalye.

Nagtawanan silang lahat. Nakuha niyang tumayo at dali-daling tumakbo papunta sa may eskinita. Hinabol siya ng mga ito.

Sa mga dati niyang eskwelahan ay kasali siya sa mga atleta ng track. Siya ang tinuturing na pinakamabilis. At sa pagkakataong ito ay naalala niya ang mga panahong iyon.

Hindi siya maabutan ng mga lalaki.

Lumingon si Caitlin at nakita niyang malayo ang pagitan nila sa kanya. Kailangan lamang na pumili siya ng tamang kalye na lilikuan para tuluyan siyang makawala.

Ang eskinita ay nagtatapos sa korteng T. Kailangan niyang kumaliwa o kumanan. Ngunit hindi niya kita kung ano ang meron sa alinmang kalye na kanyang piliing likuan. Nagdesisyon siyang kumaliwa. Pinagdadasal niya na sana'y tama ang kaniyang napili. Sa kasawiang palad ay wala na pala siyang mapupuntahan dahil hanggang doon na lamang ang kalye.

Pinagmasdan niya ang pader, naghahanap ng pwedeng labasan. Ngunit wala. Ang tanging nagawa niya ay humarap sa mga padating na kalalakihan.

"Ngayon ay magsisisi ka. Pahihirapan ka namin" sabi ng isa.

Huminga ng malalim si Caitlin. Inisip niyang gisingin sa isip si Jonah na dumating doon na may lakas at handa siyang sagipin. Ngunit walang dumating kundi ang mga papalapit na magsasalakay.

Naisip niya ang matinding galit niya sa kanyang ina na pinilit siyang pumalipat-lipat ng lugar. Naisip din niya kung anong mangyayari sa kapatid niyang si Sam pagkatapos ng araw na ito.

Naisip niya ang kaniyang buong buhay. Kung paano siya tinarato ng mga tao. Walang isang taong nakaintindi sa kanya.

Napagtanto niya na hindi na niya kayang tanggapin ang mga ito. Tama na. Hindi ito nararapat sa kanya. Hindi!

At bigla na lamang niya itong naramdaman.

Para itong alon na hindi pa nangyari sa kanya dati. Isa itong biglang agos ng matinding galit na nagsimulang manalaytay sa kanyang dugo. Ramdam na ramdam niya ang kongkreto sa kaniyang mga paa at ang matinding lakas na animo'y dumaloy sa kaniya mula sa pulso papunta sa kanyang mga braso at balikat.

Bumukas ang kanyang bibig at isang malakas na dagundong ang lumabas.

At sinalakay siya ng unang lalaki. Habang hinawakan siya nito sa may pulso ay agad na kumilos ang kanyang kamay, hinablot ang lalaki sa may pulso sabay bali ng braso patalikod.

Nagulat ang lalaki. Napaluhod ito at napahiyaw sa sakit nang mabali ang kanyang braso.

Napatigil ang tatlo sa mga lalaki at namangha.

Sunod na umatake sa kanya ay ang pinakamalaki sa kanila.

Tumalon si Caitlin at sinipa siya sa dibdib. Tumilapon siya mga sampung talampakan sa ere at bumagsak sa mga basurahang gawa sa metal. Hindi na siya nakatayo pagkatapos noon.

Nagtinginan ang dalawa pang lalaki. Manghang mangha sila sa kanilang nasaksihan. Binalot din sila ngtakot. Nilapitan sila ni Caitlin na puno ng di maipaliwanag na lakas. Narinig ulit ang dagundong galing sa kanya. Dinampot niya ang dalawang lalaki gamit ang magkabilang kamay at itinaas sila sa ere. Idinuyan niya sila sabay pinag-umpog ng malakas. Nawalan sila pareho ng malay.

Nag-uumapaw ang galit ni Caitlin. Hindi gumagalaw ang apat na lalaki.

Hindi lumuwag ang kaniyang kalooban pagkatapos noon. Gusto niya pang makipaglaban. Gusto niya pa ng mas maraming kabataan na itatapon sa ere.

Hindi lamang iyon ang gusto niya. Biglang naglinaw ang kaniyang mga paningin at napatingin sa kanilang mga leeg. Sa ugat sa kanilang leeg. Gusto niyang kumagat. Kumain.

Hindi niya naiintindihan ang nararamdaman niya. Tumayo siya at umirit ng napakalakas. Tunog na hindi maririnig galing sa ordinaryong tao.

Wari itong isang irit ng hayop na may hinahanap at hindi kuntento.

IKALAWANG KABANATA

Nakatayo si Caitlin sa labas ng pinto ng kanyang apartment. Hindi niya alam kung paano siya nakauwi. Ang naalala lamang niyang huli ay nasa may eskenita siya.

Ngunit naalala niyang lahat ang nangyari doon. Binalot siya ng galit na noon lamang niya naramdaman.

Tiningnan niya ang kanyang mga braso. Inaasahan niyang may nagbago pagkatapos noon ngunit lahat ay kapareho pa rin ng dati. Normal.

Ang epekto nito sa kanya ay naiwan din. Guwang ang kanyang pakiramdam. Manhid. Hindi niya ito maintindihan. Mayroon siyang kinasasabikan pagkatapos niyang mapagmasdan ang mga leeg ng mga lalaking iyon. Ugat sa kanilang leeg. Nakaramdam siya ng gutom.

Назад Дальше